Isang malungkot na dapithapon (hindi ko alam pero lagi kong ina associate ang dapithapon sa kalungkutan). Pagala-gala ako sa Baywalk para tanggalin ang gutom ko para sa mga panibagong litrato. Kanina pa ako nandito pero wala pa akong nakikitang karapat-dapat na masama sa rolyo ng film ko. Nagdesisyon na akong umuwi na pero naisip ko muna na manigarilyo sa may waiting shed. Isangstick lang ang binili ko dahil kasalukuyan kong sinusubukan na bawasan ang bisyo ko. HIndi ako tanga para mangakong tuluyan ko na siyang ititgil. Kasama na talaga ata siya sa buong pagkatao ko. at sa pagkuha ko ng mga litrato. Umupo ako sa bakal na barandilya. Inilabas ko ang mp3 player ko. “Time is never time at all. We can never ever leave without leaving a piece of youth…” dinig na dinig ko si Billy Corgan habang hinaharana ako nang mabigla akong mapalingon tungo sa kabilang direksyon ng waiting shed. Isang lalaki ang nakaupo dun. Naka-itim na t-shirt, kupas na pantalon at sapatos na itim at puti. Gulo-gulo ang buhok niya at tulad ko ay naninigarilyo rin siya. Hindi ko alam pero sa paningin ko nung panahong yun, siya lang ang tanging black and white sa paligid ko. Sobrang lungkot ng taong to,naisip ko. Patuloy siya sa paghithit at may kung anong pwersa (marahil ang aura ng kalungkutan niya) ang nag-udyok sa akin para kunan siya ng litatro. Nakakagulat dahil habang tinitingnan ko siya sa lente, tila lalong tumitingkad ang kalungkutan niya. Inadjust ko ang focus at siniguradong makukunan sa litrato ang umaalingasaw na lungkot ng lalaki. Click. Nagulat ata ang lalaki at napatingin sa direksyon ko habang nakakunot ang noo.
“Sorry,” ang tangi kong nasambit.
“Alam mo miss, hindi lahat ng tao pwede mong gawing subject ng mga litrato mo,” tahimik niyang sagot pero dama ko ang pagkairita niya.
“Sorry talaga. Nakita lang kita at naisip kong kuhanan ka ng picture…”
Pagal siyang tumawa. “Miss, hindi mo ba naisip na kaya ako nandirito sa waiting shed mag-isa ay dahil gusto ko na walang umiistorbo sa akin? Siguro nga di mo naisip yun. Ang mahalaga lang sa iyo, ang makakuha ng litrato.”
Nagsimula na akong magalit. Sa tono kasi ng pananalita niya, tila ba minamaliit niya ang kahalagahan ng pagkuha ng litrato. Estranghero lang siya. Hindi niya ako kilala tulad ng di ko pagkilala sa kanya. Sa sobrang pagkainis ko, agad akong tumayo para iwanan siya. Wala rin naman kasing mapapala kung makipagtalo pa ako sa kanya. Mabilis ang paghakbang ko palayo nang biglang may humawak sa braso ko. Kahit hindi pa man ako lumilingon at nakikita kung sino ang pangahas na madiin ang pagkakahawak sa akin, alam ko agad na siya na yun. Marahil dahil sa kung anong lamig na biglang yumakap sa akin. (Hindi ko alam pero inaassociateko pa rin ang lamig sa kalungkutan). Lumingon din ako sa wakas nakita kong mas malungkot siya sa malapitan. Kulay brown ang mga mata niya at tila pagod na pagod kaiiyak.
“Naiwan mo ‘to,” Sabay abot sa akin ng mp3 player ko. “Smashing Pumpkins. Hindi ka lang mahilig sa photography, maganda pa angtaste mo sa music.”
“Wag mo na akong utuin,” naisip ko. Hindi ako sumagot at kinuha ang mp3 player ko sa mga kamay niya sabay talikod upang ipagpatuloy ang paglalakad.
“Miss, sorry na talaga,” sigaw niya habang hinahabol ako. “Pasensya kung medyo nainis ka sa akin. Badtrip lang talaga ko.”
“Halata naman eh.”
“Teka paano ba ako makakabawi? Hmmm… Teka, gusto mo pa ba ng yosi? Sasamahan ko na rin ng kape,” alok niya sa akin habang bahagyang nakatawa.
Hindi ko alam pero mukhang hindi ang alok niya ng yosi ang nagpapayag sa akin. Yung mailap na ngiti niya ata ang main reason kung bakit ako napa-oo. Mula sa simpleng kape at yosi, nakilala ko siya paunti-unti. Habang nagkukwentuhan kami, nalaman ko na isa siyang fine arts student sa UP, gitarista ng isang banda at natural na loner. Nakakatuwa kasi sabay sa paghigop ko ng kape, nakikita ko na parehas kami. Pareho kaming mahilig sa musika mula kay Fiona Apple, Death Cab for Cutie hanggang sa Copeland. (Habang nagkakape nga kami, umaalingawngaw sa tenga ko yung kantang Coffee ng Copeland) Tulad ko, nakaugalian rin niyang manood ng sine mag-isa. Paborito niya ang Eternal Sunshine of a Spotless Mind, Lost in Translation, lalo na ang mga pelikula ni Akira Kurosawa at Wong Kar Wai. Nabasa rin niya ang mga akda nina Neruda, Kundera at Murakami. Nakakatuwa kasi nakahanap ako ng taong kaparehas ko ng gusto. Marami kasi sa mga kaibigan ko ang di ko kasundo pagdating sa mga ganitong bagay. Habang tumatagal, napapansin ko na nawawala na yung kumot ng kalungkutan na nakabalot sa kanya kani-kanina lang. Ang sarap tingnan ng mata niya habang nakatawa kasi may maliliit na linya sa gilid nito.
“Pasensya na sa tanong ko ha, pero pwede bang malaman kung bakit ang lungkot lungkot mo kanina sa waiting shed?”
“Basta. Pero kanina pa yun. Hindi na ako malungkot ngayon,” sagot niya habang nakatingin sa akin.
Tatanungin ko pa sana kung bakit nang biglang magring ang cellphone ko. Pinapauwi na ako ni Mama. Nagpaalam na ako sa kanya pero pakiramdam ko parang may kualng sa usapan namin. Hanggang sa naalala ko na di pa namin alam ang pangalan ng isa’t-isa. Pero naisip ko na maganda na rin sigurong di ko na alamin tutal hindi na rin naman kami magkikita ulit. Nagpaalam na ako at nakipagkamay. Ang weird kasi sinabi pa niyang “Nice meeting you” kahit di naman niya alam ang pangalan ko.
“I have this feeling that we will see each other a lot,” sabi niya habang kinakamayan ako. Pa- english-english pa ang kumag, naisip ko na lang. Lumakad na ako palayo. “And our lives are forever changed. We will never be the same…” bulong ni Billy Corgan sa tenga ko habang pauwi na ko at pakiramdam ko nga, may nagbago na dahil sa kanya.
Isang linggo ang lumipas. Masyado na akong naging busy dahil nagkaroon kami ng photo exhibit. Naisama ang limang litrato ko pati na yung picture ng lalaki sa waiting shed. Ang ganda kasi ng kinalabasan niya. Natakpan yung profile ng lalaki ng usok mula sa sigarilyo niya habang nakayuko. Malungkot. Napakalungkot na larawan. Habang tumitingin ako sa mga pictures, may tumapik sa akin at alam ko na siya yun. Pagharap ko, nakita ko ang pares ng malungkot na mata.
“Madaya ka. HIndi nakita sa picture yung kagwapuhan ko,”nakatawa niyang bungad.
“Kagwapuhan? Meron ka ba nun?” balik ko sa kanya.
“Meron naman kahit unti. Nga pala, nalibre na kita ng kape at yosi, di pa natin alam ang pangalan ng isa’t-isa. Ako nga pala si Kyle.”
“Mika,”
“Sabi ko na nga ba, magkikita pa tayo eh. Ang ganda ng mga kuha mo. Impressive. Mahilig ka sa mga tao as subjects of your pictures. Maganda. Kuhang-kuha mo ang emosyon.”
“Salamat.”
“Kape? Yosi?”
Pumayag uli ako pero sa pagkakataong ito, hindi lang ang simpleng ngiti nya ang dahilan. Pumayag ako kasi gusto ko pa siyang makilala ng mabuti. May pakiramdam din ako na gusto rin niya akong makilala pa. Nasundan pa ito ng ilang usap hanggang sa hindi lang kape at yosi ang saksi sa magandang samahan namin. Nandyan yung sabay kaming nanonood ng pelikula sa UP Film Center (pero magkalayo ang mga upuan namin), umaatend ng art exhibits at nanonood ng mga gig. Lumalim ng lumalim ang pagkakaibigan namin hanggang sa naramdaman namin na hindi na kami kasya sa maliit na kahon ng pagkakaibigan. Naging magkarelasyon kami. Bawat araw na magkasama kami, puno ng bagong discovery. Magugulat na lamang ako kapag binubiksan ko ang bag ko dahil may nilalagay siya dito na mga sketch naming dalawa na siya ang gumawa. Ginagawan niya ako ng mga kanta, mga tula. Unti-unti na siyang nagkakulay. Di na sya ang lalaking black and white na una kong nakita. Parehong naging makulay ang mundo namin. Pakiramdam namin kaming dalawa ang pinakamasayang tao sa mundo. Minsan lang kami mag-away at naaayos agad.
Hanggang sa isang araw naramdaman ko na lang na may nagbabago na sa amin. Tahimik na kapag magkasama kami. Nakikita ko na unti-unting kumukupas ang kulay niya. Ewan ko. Sinusubukan ko na pasayahin siya pero wala pa ring nangyari. Sabi ng maga kaibigan ko, itigil ko na daw. Wala na daw patutunguhan. Sabi ko sa kanila, hangga’t may pag-ibig pa rin sa pagitan namin, kakayanin ko. Sabi nila, magmumukha lang akong tanga. Sabi ko, wala akong pakialam. Dito ako masaya. Darating daw yung puntong mapapagod ako. Sabi ko, ayos lang na mapagod ako sa isang bagay na pinaghihirapan kong isalba kaysa mapagod ako na walang ginagawa. Bibitaw lang ako kapag wala na talaga, kapag tuluyan na siayng nawalan ng kulay. Ngunit hangga’t nakikita ko na brown pa ang mga mata niya, itutuloy ko pa.
Isang gabi, pagkatapos namin panorin ang Lost in Translation sa ika-ilang ulit, bigla niyang sinabi, ”Napakaganda nung huling eksena sa pelikulang yan. Nagpaalam na sila sa isa’t-isa pero may certain calm pa rin sa pagitan nila. Walang iyakan, walang sigawan, walang away. Sumakay sa kotse ang lalaki patungi sa kung saan habang ang babae ay lumakad na palayo.” Ewan ko pero bigla akong naiyak nung sinabi nya yun. Parang yun na ang hudyat na magpapaalam na siya sa akin. Doon ko napansin na hindi na brown ang mga mata niya. Sabi niya ”Tapos na ang palabas,” sabay tayo at lumabas ng sinehan. Habang tinitignan ko siya palayo, naalala ko yung eksena sa pelikula. Ang pagkakaiba lang, hindi siya lulan ng kotse at hindi ako lumakad palayo. Naiwan ako sa dilim at hinihintay siyang bumalik kahit alma ko na hindi ko na siya makikita muli. Hinanap ko siya. Tinext. Tinawagan. Ngunit walang nangyari. Hanggang sa nakasalubong ko siya isang araw. Hindi naman niya tinangkang ibahin ang direksyon ng paglalakad niya. Nagkaharap kami ngunit kapwa di kami nagsalita. Kinuha ko sa bag ko ang sulat ko para sa kanya. Inabot ko iyon sa kanya at umalis na,
“I had mistaken his eyes for stars so I followed him where he went. The sight of those stars made me dream and the dreams were beautiful but not more beautiful than the light of the stars I thought I saw in his eyes. I chased the stars down to where they stopped and stayed still. He saw me finally and he said, ever so gently, sorry, you’ve mistaken my eyes for stars and they’re not. And I said, Oh, I see that now and maybe I should have been sad when he was looking at me. They were not stars but thay were as bright, if no more so. I know now that they’re not stars, I told him, but I like them. Can I stay here to look at them? I asked him and he smiled and said, ever so gently, yes, you can stay here and look at them. So he let me stay and here I am and there I will be until he lets me go.”
Iyon ang nilalaman ng sulat ko para sa kanya. HIndi naman ako umaasa na sasagutin niya yun. Ang gusto ko lang, malaman niya ang nararamdaman ko para sa kanya. Kasalukuyan akong nagbabasa nang biglang may nagtext sa akin. ”Noong una kitang makilala, nakita ko rin ang mga bituin sa mga mata mo. At hanggang ngayon nandoon pa rin siya. Wala sa iyo ang problema. Nasa akin. Hindi ko kayang panatilihin ang mga bituin sa mga mata ko. Natatakot ako na dumating ang araw na wala ka nang ibang makikita dito kundi kawalan. Salamat at patawad.”
Hindi ako umiiyak nung nabasa ko ang text niya. Parang sa pelikula, may certain calm ang paghihiwalay namin. Walang iyakan, walang away, walang sigawan. Natanggap ko na rin kahit papaano. HIndi ako galit sa kanya at kahit kailan ay hindi yun mangyayari. Kapag nagtanim ako ng galit sa kanya, para ko na ring dinuraan ang lahat ng magagandang alaala naming dalawa. Sa pag-ibig, dapat may respeto, hindi lang sa tao, kundi pati sa mga pinagsamahan. Hindi man naging maganda ang ending ng istorya namin, mayroon naman akong babalik-balikan na mga magagandang alaala. Hindi ako nalulungkot kapag muli kong nadadaanan ang mga lugar na lagi naming pinupuntahn dati. Hindi ako naluluha kapag naririnig ko ang mga paborito naming kanta. Kabaliktaran nga eh. Ang srap-sarap niyang balikan. Ang sarap-sarap alalahanin.
Katulad ng nabigo kong planong pagtigil ko sa aking bisyo, andito na naman ako sa waiting shed. Inaalala siya habang hawak ang litrato niya at humihithit ng sigarilyo. Hindi ko inaasam na muli siyang makita dito. Hawak-hawak ko ang litrato habang ang buong paligid ko at black and white. Lumingon ako sa kabilang direksyon ng waiting shed at isang malaking espasyo lang ang nakita ko.
----------------------------------------
Para sa lahat ng nakabasa ng "Ang Babaeng Black and White" mula sa Mabini Session's ng PUP. At para sa mga hindi pa. Ito ang Part 1.
Weng Cahiles, ang husay mo!
No comments:
Post a Comment